Skip to main content

A C/C+ Paper

ANO ANG PILOSOPIYA?

Bago ang lahat, dapat munang mabuhay ang tao.
Maglakad at lumabas ng bahay. Pakiramdaman ang galit, tuwa, lungkot, ligaya, at iba pang mga karanasan na maaaring mad-udyok sa damdamin. Magbasa ng aklat o di kaya’y mag-aral sa paaralan upang mapalago ang kaalaman. Gawin ang iba’t ibang bagay ng interes upang madagdagan ang sariling karanasan. Sa buhay, makakarating siya sa punto ng pagtataka sa kanyang sarili. May saysay nga ba ang kanyang buhay? May buhay nga ba talaga siya?
Kailangang mabuhay ng tao sa mundo upang makarating sa pagdududa na magtutulak sa kanya na mamilosopiya. Sa pagdanas ng buhay, napapayaman ng tao ang kanyang pag-iral dahil nakikibahagi siya sa mundo. Sa paglago ng kanyang katauhan, natututo siya kung ano ang ikabubuting gawin para sa kanyang sarili; nakapagbubuo siya ng mga kaisipan batay sa kanyang mga karanasan, nakikipag-usap siya sa ibang tao, at nakapagpapasok siya ng kaalaman ukol sa mundo. At makikita sa kanyang hakbang ng pag-iral na makakarating siya sa punto ng pagdududa kung bakit ganito ang buhay. Mamumulatan siya sa kanyang realidad.
Samakatwid, ang pag-uunawa sa buhay ay makikita sa paggawa nito. Mahalaga ang pag-uunawang ito sa pagsagot sa tanong ng Pilosopiya na hindi bilang isang paksa na masasagot na lang ng basta, kundi bilang pagdanas ng buhay na proseso, kung saan dahan-dahang nagpapakita ang pag-iral ng tao sa mundo at sa kanyang sarili. Para may masabi ang tao ukol sa Pilosopiya, at para mabigyan niya ng halaga ang katanungan ng Pilosopiya, dapat munang mabuhay siya.
Ngayon, upang masagot ang tanong ukol sa Pilosopiya, kailangan muli ng tao na buuin ang kanyang sarili galing sa pagkawasak. Ang pagkawasak na ito ay nanggaling sa kanyang pagduda ukol sa kanyang karanasan ng buhay. Aabot ang tao sa punto ng buhay na tatanungin niya kung bakit siya nandito sa mundo na ito, at kung ano ang kahulugan ng kanyang pag-iral. Sa punto na ito, ang karanasan ng tao sa mundo na naghugis sa kanyang pag-iisip ang nakapagdulot sa ganitong mga pagtatanong. Lalagpas ang pag-iisip ng tao sa mundong kinagagalawan niya, at pagmumuni-munihan niya ang mga tanong na hango sa kanyang mga karanasan at kaalaman. Nagkakaroon na dito ang tao ng mga kaisipan na hindi maipapaliwanag ng karansan at kaalaman. Kumakatok ang tao sa kisame ng kanyang kakayahan umisip. Ipinapakita dito ang isang ganap na pag-iisip na malay sa kanyang pag-iral. Sa mga tanong na ito, nais niyang malaman ang sagot na maaaring makapagsabi sa kabuuuan ng kanyang buhay, at makapagbibigay ng paniniwalaan ang tao na kanyang panghahawakan upang makaangat siya sa kanyang pagkawasak..
Sa pagkawasak, bubuo siya ng kaisipan na magsisilbing katotohanan na gagagabay sa kanyang buhay. Nalaman ng tao sa kanyang pagdanas ng buhay na marami pa siyang kailangan unawain, kaya siya nagtatanong. Ngunit ang iba niyang mga tanong ay hindi nasasagot ng karanasan, katulad ng mga nabanggit sa itaas. Hindi niya masasagot ang kahulugan ng buhay sa pamamagitan ng paggamit ng mga natatanging pagyayari sa buhay. Mararamdaman niya ang pagkabigo dahil nawawalan ng kahulugan ang kanilang buhay. Kahit ang karanasan na nagsisilbing gabay sa pag-iral ng tao sa mundo ay hindi kayang sagutin ang mga tanong na ito. Samakatwid, kakailanganin niya ng bagong pagkakatiwalaan na maaaring makasagot sa kanyang mga tanong. Kailangan niya ng batayan kung paano niya titignan ang katotohanan na siyang magbibigay sagot sa kanyang tanong ukol sa Pilosopiya, na siya namang magbubunyag sa kabuuan na makapagbibigay ng halaga sa tao. Mabubuo ang batayan na ito sa pamamagitan ng pag-iisip.
Ngayon, ang kaisipan na ito ay kailangang maipahayag ng tao. Magiging walang saysay ang kaisipan kung hindi ito ibabahagi sa iba. Maaaring ang kaisipan ng isang tao ukol sa katotohanan ng Pilosopiya ang pinakamainam at pinakatapat, ngunit kung hindi alam ng ibang tao ang kaisipang ito, walang itong halaga sa mundo sapagkat hindi ito nakakatulong sa ikabubuti ng ibang tao.
Kung titignan ang paraan sa buhay, upang maipahayag ng tao ang kanilang sarili sa iba, ginagamit niya ang paraan ng diskurso, sa pamamagitan ng pag-uusap at pagsusulat. Naipapahayag ng tao sa pamamagitan ng diskurso ang kanyang mga naramdaman at naiintindihan ukol sa isang paksa, na siya namang iintindihin at uunawain ng nakikinig o mambabasa. Ang kakayahan ng tao na makipagdiskurso ay nakapagsasabi sa kanyang talino na umunawa at makapaghayag ng kaisipan. Hindi malalaman ng tao ang pag-ibig na nararanasan niya sa ibang tao kung hindi niya ito ipapakita. Hindi naman maaari na maunawaan at maramdaman na lang ng isa ang pag-ibig sa kanya sapagkat abstrakto ang pag-ibig at nangangailangan siya ng paraan ng pagpapahayag upang maunawaan ito ng iba. Hindi nakapaloob ang pag-ibig sa paraan na magbibigay ng pag-unawa dito. Sa halimbawa na ito, nangangailangan ang tao ng paraan upang maipahayag ang kanyang pag-ibig sa upang makita ng isa ang pag-ibig na kanyang kinikimkim.
Kailangan din sa pagdidiskurso na malinaw at maayos ang kaisipan na ipapahayag ng tao sa iba. Kung hindi malinaw at maayos ang kaisipan, malamang ay hindi siya makakatulong sa paghahanap ng sagot sa tanong ng Pilosopiya sapagkat hindi siya mauunawaan ng mga tao; hindi tumatalab sa kanyang pag-uunawa ang sinasabi ng isa. Samakatwid, hindi matitiyak ng iba kung maganda ba ang kaisipan na sinasabi ng isang tao. Naipapakita sa bahagi na ito na hindi lamang basta maipahayag ang kaisipan sa ibang tao, kundi dapat din itong ipahayag sa maayos at malinaw na paraan kung gusto mauunawain ito ng tao.
Sa Pilosopiya, kailangan ng tao ang diskurso upang mapalago ang ugnayan ng bawat tao sa kanyang kaisipan at damdamin. Kapag may kaisipan ang tao ukol sa Pilosopiya, dapat niya ito ibahagi sa ibang tao upang mabigyan saysay ng ibang tao ang kaisipang ibinahagi. Sa pagbabahagi ng kaisipan gamit ang pagsulat o pag-uusap, sinusubukan ang kakayahang mag-iisip at umunawa ng tao.
Bilang mga taong may kakayahan na mag-isip at magpahayag ng kaisipan sa pamamagitan ng pagdidiskurso, dahil napapairal ang kakayahan ng tao na mag-isip, hindi maiiwasang napapairal ang katauhan ng tao sa kanyang paghahanap ng sagot sa tanong ng Pilosopiya. Dito naipapakita ang kaibahan ng tao sa ibang nilalang sa mundo, dahil sa kanyang pagkatao, siya lamang ang may kakayahan na mamilosopiya. Hindi sapat ang pag-iral ng ibang nilalang, kung ihahambing sa tao bilang may sapat na kakayahan na umunawa, mag-isip, at makipagdiskurso, kaya hindi sila maaaring mamilosopiya.
Ngunit hindi lamang nagtatapos sa isipan ng tao ang diskurso. Upang mas mabisa ang kaisipin ng tao ukol sa Pilosopo Tasyo, dapat na tumalab ito sa pansariling karanasan upang maipakita na hindi gawa ng
Maipapakita ng pagdidiskurso na maaaring masagot ng tao ang tanong ukol sa Pilosopiya. Pag-uusapan at ipapaliwanag nila ang kanilang sarili kung bakit ganito ang kanilang naging sagot sa tanong. Maaari silang sumang-ayon sa isa’t isa dahil pareho ang kanilang sagot sa tanong. Ngunit kadalasan, nagiging sanhi ito ng malusog na pag-aaway, kung saan magtatalaban ang isip ng mga taong may pagkakaiba sa kanilang mga sagot sa tanong ng Pilosopiya. Sa diskurso, nakabubuti ang pag-aaway sa proseso ng paghahanap ng sagot sapagkat may pagnanais na makarating ang tao sa iisang sagot, ang katotohanan ng Pilosopiya. Hindi maiiwasan na magkaiba ang pananaw ng bawat isa, at dahil dito, kailangan nilang pag-usapan at intindihin ang pinanggalingan ng kanilang pag-iisip upang makarating sa sagot. Sa puntong ito, mahalaga ang nagiging bunga sa pagdidiskurso ng tao sapagkat hindi lamang na napaiiral nila ang kanilang katauhan sa paraan ng pakikibahagi sa buhay ng ibang tao, kundi dahil nais nilang matagpuan ang kasagutan.
Subalit sa kanyang pakikipagsapalaran na sagutin ang tanong ukol sa Pilosopiya sa pamamagitan ng pagdidskurso, makakatagpo siya ng malaking hadlang na makapagpigil sa kanyang paghahanap ng sagot. Kagaya ng nabanggit kanina, hindi lamang iisang sagot ang nailagda ng mga tao ukol sa tanong. Bagamat may mga akda na nagbabahagi ng iisang papanaw sa tanong, kadalasan ay iba’t iba ang sinasabi ng mga Pilosopikal na akda, dahil gamit ng tao ang kanyang pansariling sistema kung papano titignan ang problema. Naging ito ang kanilang sagot at hindi iba sapagkat nakabatay ang kanilang pagtatalaga sa karanasan na tumalab sa kanyang pagkatao. Sa buhay, hindi pare-pareho ang nararanasan ng tao. Sa parehong palagay, iba rin ang paraan ng bawat tao sa pagdanas ng kanyang mga karanasan sapagkat iiba ang bawat tao sa isa’t isa. May kanya-kanya silang mga pagtingin sa buhay na maaaring hindi tugma sa ibang tao. Sinasabi dito na may mga karanasan ang bawat tao na mas papahalagaan niya sapagkat nakatulong ito sa kanyang pagkatao, ngunit maari rin na hindi nakabubuti ang karanasan na ito sa ibang tao.
Nagkaroon ng pagdidiskurso dahil sa pagkakaiba ng mga sagot ukol sa tanong ng Pilosopiya. Nais ng pagdidiskurso na ayusin ang mga sagot ng tao upang bumuo ng iisang sagot na sumasanguni sa lahat ng mga sagot ng tao. Subalit nagiging imposible ang hangarin ng diskurso sa paliwanag na ito sapagkat may mga sagot at paniniwala ang mga tao sa salungat sa isa’t isa. Hindi maaaring ang Pilosopiya ay parehong ‘oo’ at ‘hindi’ dahil kabalintunaan ito. Dapat na nakabatay ang Pilosopiya sa katotohanan, kung saan iisa lamang ang sagot, at pinaniniwalaan at pinaninindigan ng bawat isan ang sagot na ito. Ngunit kung titignan sa pagdidiskurso ng bawat tao, mukhang walang pagbubungahan ito. Hanggang hindi sumasang-ayon ang bawat tao sa iisang sagot ukol sa tanong ng Pilosopiya, wala silang katotohanan na kinikilingan.
Sa hadlang na ito na ipinapakita sa pagdidiskurso, napapairal ang hangganan ng tao ukol sa kakayahan niyang sagutin ang tanong. Hindi makapagpasya ang tao na magbigay ng iisang sagot ukol sa tanong, sanhi sa kaibahan ng kanilang mga karanasan sa pagdanas ng Pilosopiya sa kanilang buhay. Sa madaling salita, nawawala ang obhetibong aspeto ng Pilosopiya dahil sa dami ng mga sagot sa tanong. Napapa-iral lamang ng tao ang mga karanasan na tumatalab sa kanyang sarili lamang, at hindi nabibigyan ng halaga ang ibang mga karanasan, na maaaring makapagbuo sa bawat tao.
Ngunit kung matatagpuan sa karanasan ng bawat tao ang sinasabing sagot ukol sa tanong ng Pilosopiya, masasabi ba na ito na ang pinakasagot? Naipapakita sa buhay ng tao ang halaga ng pagpapaliwanag at pagbibigay-halaga ng tao sa kanyang mundo na kinagagalawan. Nagkakaroon ng halaga ang mga gawain ng bawat tao sapagkat may kabutihang natatamo sa paggawa ng mga bagay na ito. Subalit ang tanong ukol sa mga pahayag na ito ay may kinalaman sa mga karanasan na hindi nakapaloob sa mundo na kinagagalawan ng tao. Ano naman ang halaga ng mga karanasan na ito ukol sa pagsagot ng tanong sa Pilosopiya? Maaari kayang hindi lamang sa mundo ng karanasan matatagpuan ang kabuuan?
Bago pag-usapan ang bahagi na iyon, dapat munang balikan at pag-usapan muli ang tao at ang klase ng kanyang pag-iral. Kagaya ng nabanggit kanina, may hadlang sa paghahanap ng tao sa kasagutan sapagkat wala pang sagot na nadaratnan ang tao na maaaring bumuo sa katotohanan ng kanilang buhay. Napaiiral lamang ang mga sagot na hango sa pansariling karanasan. Bagamat hindi naman mali ang paraan na ito, at lalong hindi sinasabi na walang saysay ang pagdidiskurso ng bawat tao tungkol sa kani-kanilang mga sagot, mukhang hindi kaya ng tao na makarating sa iisang sagot sapagkat nananatili lamang ang kanyang kaalaman sa mga nararanasan sa mundo na ito. Ano ang ibig sabihin nito? Meron pa bang mundo maliban sa nararanasan ng tao sa kasalukuyan?
Sa katunayan, bahagi lamang ang mundo na ito ng mas malawak na mundo, na tinatawag na katotohanan. Kung tutuusin, maraming mga katotohanan sa mundo, katulad ng pagiging tao bilang nakapag-iisip at nabubuhay siya sa mundo kasama ang iba pang mga nilalang. Ngunit lahat ng mga katotohanan na ito ay nanggaling sa iisang katotohanan, bilang sukdol na katotohanan. Ang sukdol na katotohanan ang pinanggalingan ng lahat, at bumabalik ang lahat sa kanya. Hindi maaari na maraming sukdol na katotohanan sapagkat walang mga bahagi ang kasukdulan. Ang kasukdulan ang pinakamatas na maaaring umiral sa buhay ng tao. Katulad ng paghahanap ng sagot sa Pilosopiya, kailangang makarating ang tao sa iisang sagot para masabing katotohanan ang kanilang sinasabi dito.
Gumagalaw lamang ang isip ng tao sa mundo na kanyang nararanasan. Nalalaman niya ang katotohanan ng mundo sa kanyang pagdanas dito. Masasabi na katotohanan ang mundo na ito sapagkat may sinasabi ang mga karanasan na ito sa buhay ng tao. Pinaiiral ng katotohanan na ito ang tao bilang nag-iisip at nakakaunawa. Subalit ang katotohanan na ito ay hindi ang sukdol na katotohanan dahil may mga tanong na hindi maaaring masagot ng karanasan, kagaya ng mga tanong ng pinanggalingan ng tao, at kung bakit may buhay at hindi wala. Malalim ang pinanggalingan ng mga tanong na ito, at hindi makakayanan ng karanasan lamang ang gagamitin upang masagot ito. Sa madaling salita, may mundo na makapagbibigay sa tao ng kabuuan sa kanyang sagot sa tanong ukol sa Pilosopiya, ngunit lagpas naman ito sa kanyang pag-uunawa.
Kung gayon, paano sasagutin ng tao ang tanong kung lagpas naman ito sa kanyang kakayahan na sagutin ito? Sa puntong ito, maipapakita ang tao na nagtataglay ng mga hangganan. Sa paggamit ng karanasan bilang batayan upang masagot ang tanong, nawawala ang obhetibo bahagi ng Pilosopiya, at nagiging tungkol sa sarili na lamang ang Pilosopiya, sapagkat wala siyang kakayahang makarating sa sukdol na katotohanan. Katulad ng kanyang katawan na hindi kayang lumipad, hindi rin kaya ng isip na nauunawain ang hindi maipaliwanag, dahil hindi ito bahagi ng kanyang katauhan. Kumikiling lamang ang tao sa kanyang nalalaman at napapaniwalaan. Marahil dito na nabubuo ang hadlang ng tao sa pagsagot ang tanong ukol sa Pilosopiya.
Ngayon, sa kaaalamang ibinunyag ng paghahanap sa kahulugan ng Pilosopiya, naging walang saysay ba ang paghahanap ng tao sa sagot ukol sa tanong ng Pilosopiya? Nagpamalas lamang ang paghahanap ng tao sa pamamagitan ng diskurso ay sa hangganan ng kanyang pag-iral, at dahil dito hindi niya malalaman ang sagot dahil may bahagi sa Pilosopiya na hindi niya kayang mabigyan-liwanag. Para malaman ng tao ang Pilosopiya, dapat higit pa sa kanyang katauhan ang kanyang pag-iral. Dapat na maunawaan ng kanyang pag-iral ang sukdol na katotohanan na iisa lamang. Sa kanyang katauhan, hindi niya ito maaari malaman.
Malaking kasawian ang idinulot ng pagkakaroon ng hangganan ng tao. Nasanay ang tao sa kaalaman na siya ang pinakamatalinong nilalang sa mundo na ito, na dahil may kakayahan siyang mag-isip, makipag-usap, at umunawa, akala niya na kaya niyang malaman ang lahat kung bibigyan niya nito ng pansin. Ngunit sa katotohanan, hindi pa rin niya maaaring maunawaan ang lahat ng bagay kahit bigyan niya ito ng pansin. Hindi niya kayang malaman ang dahilan kung bakit may pag-iral ang lahat ng nilalang sa mundo. Hindi niya kayang malaman ang pinanggalingan ng lahat ng mga bagay sa mundo kung titignan niya ito sa kanilang pag-iral. At kung kanyang papaniwalaan ang sukdol na katotohanan, hindi niya ito lubusang mauunawaan.
Kung ganito nga ang kapalaran ng pagiging tao, maari nga na walang saysay ang pag-iral ng tao sa larangan ng Pilosopiya. Lubusan siyang kulang kaya hindi niya kayang bigyan ng halaga ang buhay. Magiging absurdo ang lahat ng mundo na ito sa sapagkat hindi mauunawaan ng tao ang pinakakalugan ng mga bagay sa mundo. Baka nakasalalay sa pag-uunawa ng tao ang kahulugan ng tao, at wala talagang obhetibong hangarin ang tao. Maaaring dapat na pairalin ang iba’t ibang pag-uunawa ng tao at mamuhay sa kanyang sariling pangangailangan. Baka dapat kaguluhan at kawasakan ang obhetibong hangarin ng tao.
Sa kabilang dako, maaari rin na ang pagkabigo ng tao ay nagsisilbing pang-gising sa kanyang katotohanan, na dapat magpanumbalik siya sa kanyang sarili at unawain ang kanyang pagkakamali. Kung babalikan ng tao ang kanyang pinanggalingan na nagdulot sa kanya sa pagkawasak na ito, marahil ay hindi naman naging walang saysay ang kanyang paghahanap.
Kung babalikan ang pagdidiskurso bilang pamaraan ng tao sa pagsagot ng tanong ukol sa Pilosopiya, hindi maaaring sabihin ng tao na walang binunga ang kanyang ginamit na metodo. Sa kanilang pagsusulat, pagbabasa, at pakikipag-usap, dahan-dahan nilang naaninagan ang pira-pirasong mga sagot na matatagpuan sa pagdidiskurso ng tao sa bawat isa. May nalalaman sila ukol sa Pilosopiya sa ibang tao na hindi nila nalaman nang mag-isa. Unti-unti nilang nabubuo ang pag-uunawa sa Pilosopiya, at nakapagdulot ang kaalaman na ito ng pagbabago sa kanilang pagtingin sa buhay. Hindi niya maaaring sabihin na walang halaga ang buhay sapagkat absurdo ang pag-iral ng tao kung wala itong kahulugan ayon sa Pilosopiya. Naipamalas sa mga sagot na ibinahagi ng bawat tao sa isa’t isa ang kaayusan at kabutihan na taglay ng Pilosopiya, dahil kumikiling sila sa katotohanan. Hanggang ang Pilosopiya ay ukol sa katotohanan, mabuti ang nagiging sanhi nito sa buhay ng tao. Bagamat umabot sa punto ng pagkawasak ang tao, ang kaalaman ng tao ay sumasayad sa sukdol na katotohanan.
Kahit na iba’t iba ang kanilang sagot sa tanong, mahalaga pa ring makita na iisa ang kanilang pinag-uusapan, at ito ang Pilosopiya. Pinag-uusapan nila nito hindi dahil gusto nilang manira ng puri ng ibang tao dahil iba ang kanilang mga pananaw, o di kaya naman na gusto nilang yumaman, ngunit dahil may napapatunayan sila sa kanilang ipinahahayag, at ito ay ang kanilang pagmamahal sa kaalaman na inihahandog sa Pilosopiya. Sa kaalaman ng Pilosopiya nila mabibigyan halaga ang buhay nila, hindi lamang pisikal na pag-uunawa kundi ang isipitwal na pag-uunawa na rin.
Ang paghahanap ng tao sa sagot ukol sa Pilosopiya ay nagpaliwanag sa kanyang tunay na katauhan, na lubusan siyang kulang. Kung tutuusin, hakbang ang kaalaman na ito sa maaari pang malaman ng tao. Kahit na lubusan siyang kulang, maaari rin pag-isipan sa pag-uunawang ito na baka may iba pang paraan upang masagot ang tanong ukol sa Pilosopiya.
Samakatwid, pano na sasagutin ng tao ang tanong sa Pilosopiya? Hindi talaga masasagot ng tao ang tanong gamit ang kanyang pag-iisip, kaya kailangan niyang sumangguni sa ibang paraan, na dapat lagpas sa kanyang kakayahan. Naipakita na sa itaas na walang mararating ang tao kung gagamit niya ang kanyang isip upang malaman ang sagot ng Pilosopiya, dahil kaya lamang niyang maunawaan ang bahagi ng katotohanan, at hindi ang kasukdulan nito. Ngunit paano niya gagawin ito? Paano niya gagawin ang hindi niya magagawa? Masyado nang malayo ang tao upang bumigay na lamang sa hudyat ng kabiguan.
Baka naman mali ang tanong ng tao ukol sa bagay na ito. Talagang hindi niya magagawa ang anumang lagpas sa kanyang kakayahang gawin. Dapat sigurong lumabas ang tao sa sarili at tignan ang mga bagay na sa kanyang paligid upang maipakita ang punto na ito. Pagmasdan at danasan niya ang kalikasan ng mundo at kung paano ito gumagabay sa ating ikabubuhay. May mga pagkakataon na nagpapakita sa katatagan ng tao sa tapat ng paghihinagpas. Merong mga bagay o mga bertud na pinagtatanggol at pinaiiral ng tao sa kanyang buhay. Pinaniniwalaan niya ang kanyang pinagtatanggol bilang pinakamahalaga sa kanyang buhay sapagkat ito mismo ang nagbibigay ng dahilan na ipagpatuloy mabuhay. Mga halimbawa katulad ng pamilya, kaibigan, pagiging tapat, at pagiging malaya ang siyang mga karapat-dapat na ipagtanggol. Hindi siya papayag na may mangyaring masama sa mga halimbawa na ito bilang kanyang pinagtatanggol. Ngayon, may mga pagsubok na pinagdadaanan ng tao na sumusubok sa kung kakayahan kung talagang ipagtatanggol niya ang kanyang pinaniniwalaan.
Minsan, may mga pagsubok na nagdudulot ng ating pagkakawala sa ating ipinagtatanggol. Maaaring hindi niya maisalba ang kanyang mga minamahal sa kamatayan, hindi kaya ng tao na maging tapat lagi sa kanyang kapwa. Hindi niya maiiwasan ang pagkamaaaring iyon, na papalpak at babalya siya sa kanyang panindigan. Sa kabila ng lahat, kailangan na lamang niyang umasa. Pumapasok sa pag-asa na ito ang pagsugal ng sarili sa kanyang pinaniniwalaan. Sa halimbawa ng pamilya, umaasa ang pamilya na ipagtatanggol sila ng kanilang ama. Ang ama namang ang umaasa sa kanyang kakayahan sa kaya niyang ipagtanggol ang kanyang pamilya. Ngayon, napag-usapan na maaaring pumalpak ang tao dahilan sa limitasyon ng kanyang pag-iral, ngunit ditto sa bahagi na ito pumapasok ang pagtataya. Hindi masasabi ng tao na sa maipagtatanggol niya ang kanyang pamilya laban sa kapahamakan, ngunit umaasa na lamang siya na kaya niya silang ipagtanggol. Hindi niya iniisip ang pagkakamali, kundi iniisip niya ang kanyang makakaya.
Kung babalikan ang Pilosopiya, ano ang magiging halaga ng pag-asa na ito? Sapagkat may mga bagay na hindi kayang magampanan ng tao, isipin na lamang niya na magagampanan niya ito, baka hindi ngayon, hindi bukas, ngunit sa pagdating sa karapat-dapat na panahon. Ganito ang nararamdaman ng tao sa paghahanap ng sagot sa Pilosopiya. Ang tangi na lamang niyang gawin ay umasa. Ngunit nangangailangan ang pag-asa na ito ang pagtaya ng tao sa Pilosopiya. Kailangan niyang ibigay ang lahat sa paghahanap ng sagot. Kung kailangan niyang ibuwis ang kanyang katawan, dapat niyang gawin ito sapagkat kinakailangan ng kapalit ang pag-asa na ito. Hindi maaari na aasa lamang ang tao, at pagkatapos ay hihintayin na lang niya ang pagdating sa kung anumang inaasahan niya. Kailangan itaya ng tao ang kanyang sarili sa pag-asa.
Sa pagkakataong ito, pag-ibig ang kailangan ng Pilosopiya. Maraming mga pagsubok ang dadaanan ng tao sa paghahanap ng sagot sa katanungan, at maari itong makapagdulot ng pagkawasak at pagkabigo sa kanyang katauhan, katulad ng naipakita sa itaas. Ngunit, malalamapasan niya ang mga hadlang na ito kapag tunay niyang minamahal ang Pilosopiya, dahil maliban sa pagtataya ng tao, gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang masagot ang tanong, na siya namang magbibigay ng kahulugan sa kanyang pagkatao.

Comments

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...